“Hindi kami mga illegal settler. May mga papeles kami.”

jona marga

Hawak ni Jona Marga ang Deed of Absolute Sale na patunay na pagmamay-ari niya ang bahay na gigibain.

Ito ang pahayag ni Jona Marga, 46, isa sa mga residente ng Block 51, Barangay 8, Dagat-Dagatan, Caloocan City matapos ang marahas na pag-demolish ng 89 na bahay sa kanilang lugar mula noong Hunyo 27 hanggang sa kasalukuyan. Ang naturang demolisyon ay bunsod ng desisyon ng Korte Suprema na nagbabasura sa apela ng National Housing Authority mula sa ipinalabas na resolusyon ng Regional Trial Court ng Caloocan City Branch 128.

Kapansin-pansin ang mga armadong pulis at SWAT team sa bisinidad ng demolisyon na nagbunsod naman ng takot at trauma sa ilang mga residente.

303_2016303_2054

Ayon kay Mercedes Badiana, 14,  hindi nito makakalimutan ang ginawang pagtrato sa kanila ng mga otoridad. Tinutukan siya ng baril at tinadyakan pa ng mga miyembro ng SWAT team. Iginiit nito na tao sila at na hindi sila mga kriminal. Ilang taon na rin daw silang nakatira sa Block 51, mula pa sa lolo at lola niya.

resibo

Resibo ng National Housing Authority na hawak ni Cuma Amiral

Sinangayunan ito ni Concordia Mesa, 56, sa pagsasabing ilang taon na nilang pinag-iipunan ang kanilang mga tirahan. Maging ang mga hanapbuhay nila ay naantala rin daw dahil sa demolisyon. Nilinaw din nito na hindi sila ang nagsisimula ng gulo sapagkat wala naman silang dalang mga armas o baril.

303_2065

Mga bala ng baril na nakita sa bisinidad ng Block 51, Brgy. 8 sa Caloocan matapos nagpaputok ang mga miyembro ng SWAT

Noong October 30, 1974, idineklarang permanenteng relocation site ang lugar para sa mga pamilyang apektado ng Tondo Foreshore Urban Renewal Project Team. Ito ay sa bisa ng Presidential Decree No. 569 na inilabas ni Ferdinand Marcos. Pinangunahan ang relocation ni General Gaudencio V. Tobias ng noon ay tinatawag pang National Housing Corporation. Inatasan ang NHC na makipag-usap sa mga may-ari ng Dagat-Dagatan Properties. Ngunit bunsod ng hindi naging maayos ang paguusap sa usapin ng lupain sa gitna ng panahon ng Martial Law, nagkaroon ng legal na pagtutunggali ang NHC at ng pamilyang Cunanan.

Ibinaba noong Pebrero 15, 2016 ang Final Notice of Demolition mula sa RTC ng Caloocan City Branch 128. Ngunit ayon sa mga residente, sampung araw lang ang binigay sa kanila na palugit, kung kaya’t hindi rin sila nakapaghanda sa pagdating ng demolition team kasama ang mga pulis at SWAT forces noong Hunyo 27.

P1020684 P1020685 P1020697 P1020715 P1020721 P1020724 P1020731 P1020742
Naipit sa usaping ito ang mga residente ng Block 51, Brgy. 8, Dagat-Dagatan, Caloocan. Giit ng mga residente, karapatan nilang ipaglaban ang lupain ng kanilang mga bahay na matagal na nilang itinuring na tahanan. Panawagan nilang magkaroon man lamang ng pormal na paguusap bago gibain ang kanilang mga tirahan at maayos na relokasyon para sa bawat apektadong pamilya ng demolisyon.

Text by Mercado; photos by Erika Cruz & Danmer de Guzman