Quezon City – Nagsama-sama noong May 14 ang mga grupong People Living with HIVs (PLHIV), LGBT, urban poor, migrante at ang simbahan upang makiisa sa International AIDS Candlelighting Memorial na inilunsad sa National Council of Churches in the Philippines (NCCP).

Ang pagtitipon na ito ay ginanap upang mas mabigyan ng pansin ang isyu ng pondong inilalaan ng gobyerno para sa mga pampublikong ospital. Nais ng iba’t ibang grupo na mas taasan ng gobyerno ang pondo sa mga pampublikong ospital kaysa sa Philhealth.

Sa kasalukuyan, mas malaki ang porsyentong natatanggap ng Philhealth sa pampublikong ospital, ngunit hindi naman ganoon kalaki ang naibabawas ng Philhealth sa bayarin ng mga Pilipinong nangangailangan ng tulong pambayad sa kanilang gastos pangkalusugan.

“Philhealth only covered 11.5 percent of the total health expenditures in 2013 while Filipino households paid for 56.3 percent of their health needs as private out-of-pocket during the same period,” banggit ni Ivanka Custodio, tagapagsalita ng Bahaghari LGBT Organization.

Isa rin sa dahilan ng pagtitipon ay ang mababang pondo na ibinigay ng gobyerno ngayong taon sa mga programa para HIV at AIDS.

Ayon kay Custodio, PHP 1.08 na bilyon lang ang inilaan para sa mga programang para HIV at AIDS para sa taon na ito. Aniya, ang nasabing pondo ay napakababa kumpara sa rekomendasyon ng UNAIDS na 4.1 billion.

Nananawagan ang Bahaghari kay presumptive president Rodrigo Duterte na taasan ang pondo sa pampublikong ospital at mga programang tumutugon sa HIV.IMG_0299IMG_0312IMG_0314

Text by Jaizell Songsong; Photos by Riza Eugenio